Saturday, March 12, 2016

Ang Ating Ideyal na Lipunan




Hangad nating itatag at ilatag ang kondisyon para sa lipunang wala nang uri at wala nang naghahari o gubyerno. Ang ideyal na lipunang hinahangad nating mas angkop sa tunay na adhikain ng rebolusyunaryong mamamayan. Ang malayang lipunan at mamamayan.


Kailanman hinding hindi magtutugma ang interes ng mamamayan at lipunan sa interes ng mga naghaharing-uri at ang gubyernong kinakatawan nito. Dapat isa lamang ang matira at manatili habampanahon, ang mamamayan at lipunan.


Ang lipunang walang uri, magbibigay ng tunay na pagkakaisa ng taumbayan, matibay na pundasyong panlipunan at matatag na muog na lakas ng rebolusyunaryong masa. Sagisag ito ng wala nang pagkakahati sa ating mga indibidwal na interes para sa pag-unlad ng ating mga sarili at pagkatao. Makalikha at makapagtayo ng dakila at mataas na uri ng lipunan at uri ng lahi ng mga tao.


Ang kondisyon para sa lipunang wala nang uri, mag-aanak naman para sa lipunang wala nang nagahahari, gubyerno man o estado poder sapagkat ang paglilingkod sa tao at lipunan, magiging natural na kultura na ng lahat. Hindi ng mga pribilehiyong pulitikal katulad nang sa pulitiko at burukrata, pinapasahod mula sa buwis ng taumbayan.


Ang lipunang wala nang uri at wala nang naghahari ang kondisyon ng tunay na kalayaaang panlipunan ng mga mamamayan at indibidwal na kasapi ng lipunan.



Ito ang pinakamataas na ideyal na lipunan ng Rebolusyunaryo Kilusang Anarkista o REKA.


Ang kabaliktaran ng lipunang pinaghaharian ng mga pulitiko, ng kanilang mga partido pulitikal, ng mga burukrata, ng kanilang kurap at tiwaling membro ng gubyerno o korporasyong pulitikal at pang-ekonomyang kapangyarihan. Ito ang lipunang wala nang uri at wala nang naghahari.


Sa pagsusulong ng rebolusyunaryong pakikibaka o paglaban o pakikidigma sa naghaharing sistemang panlipunan, kinakailangang harapan ito ng mas kataliwas na pananaw panlipunan o pandaigdigang pananaw o ideyal na lipunan na sasagisag sa kabaliktaran ng lahat ng uri ng  mapang-api at mapagsamantalang kaayusang panlipunan. Kung ito ang lipunang Pyudal-Kapitalista Patriyarkal dapat harapan ito ng kataliwas o kabaliktarang ideyal na lipunan na siyang sasagot sa lahat ng hangarin ng indibidwal, ng mamamayan at lipunan para sa mas makataong lipunan, ang lipunang wala nang uri at wala nang naghahari.

 
Dapat nakapailalim lamang ang lahat ng pang-ekonomyang pag-unlad, pangkabuhayan, sosyal, kultural at paglikha ng radikal na tradisyon, susog sa kung anu ang ideyal na lipunang dapat marating, malikha at makamit sa proseso ng rebolusyunaryong pagbabago.


Dito rin nakasalalay ang paglikha ng organisado, militanteng kilusang masa na handang magdala ng isang ideyal at radikal na pananaw panlipunan. Lahat ng lakas at pagsusumikap, ang pinakamalakas na pwersang panlipunan na handang  magsulong sa kasukdulan ng lahat, nakatuon din dapat para ikondisyon ng rebolusyunaryong mamamayan sa isang labanang lubusang papawi at bubura sa naghaharing sistemang panlipunan. Hanggang sa dumating ang panahon  at kondisyong panlipunan na handa nang halinhan o palitan ang nakaraang kaayusang panlipunan. 


At sa panahong nalikha na ang kondisyon para sa pagpawi ng uri at ng paghahari ng tao sa tao, papasok na tayo sa katayuang mainam na para mapanatili ang isang uri ng kultura at tradisyong tutukod at magiging haligi ng lipunang wala nang uri at wala nang naghahari. Kasabay naman ng rebolusyunaryong transpormasyon ng lipunan, ang lubusang pagguho ng konsepto ng otoridad at kapangyarihang pulitikal ng gubyerno at iba pang institusyon na nagtataguyod sa lipunang may naghahari at pinaghaharian.


Natural lamang na ang lipunang wala nang uri at wala nang naghahari, tutukuran ng istrakturang panlipunan, na siyang magbibgay tibay at istabilisasyon sa mahabang panahon nang buhay nito, ang rebolusyunaryong tradisyon at kultura bilang katuparan ng lipunang wala nang uri at wala nang naghahari...


Isulong lipunang wala nang uri at wala nang naghahari...

Isulong ang Proletaryo Sosyal Rebolusyon...

No comments:

Mass=Density×Volume

The Whole Space Universe is not Physics and Mathematics.  Chemistree, Physics,  and Mathemetics are but only the language of Definition and ...